Kailangan munang mapatunayan ang legalidad ang request ng Amerika sa Pilipinas para pansamantalang patuluyin sa bansa ang libu-libong Afghan nationals.
Ito ang binigyang diin ni Department of National Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr.
Aniya, masusing pinag-aralan na ito ngayon ng pamahalaan.
Inaantay rin aniya ng DND ang opinyon ng Department of Justice (DOJ) sa naturang usapin kung ito ba ay legal sa ilalim ng ating batas bago gumawa ng security arrangements.
Ipinunto pa ng kalihim na kailangang mayroong legal na basehan sa lahat ng gagawing hakbang.
Ayon pa sa kalihim special immigration visa ang hinihingi ng Amerika para sa Afghan nationals na kanilang empleyado at kahit pa humanitarian ang dahilan, dapat parin aralin ng gobyerno ang lahat ng posibleng implikasyon dahil sa huli batas pa rin ng Republika ng Pilipinas sa ilalim ng Immigration Act ang masusunod at hindi ang batas ng ibang bansa.
Tumanggi naman ang kallihim na sabihin ang mga ikinokonsiderang isyu kung ito ba ay posibleng may kinalaman sa seguridad ng ating bansa sakaling magpasya na ang pamahalaan na tanggapin ang Afghan nationals
Una na ring tinutulan ni Vice President Sara Duterte ang request ng Amerika dahil sa posible umanong banta nito sa seguridad ng ating bansa at paglabag sa ating soberaniya.