Ipinaliwanag ng Overseas Workers Welfare Association (OWWA) kung papaano magiging epektibo ang agarang pagtulong ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa mga OFW sa pamamagitan ng One Repatriation Command Center.
Sa ginanap na launching ng command center ay idinetalye ni OWWA chief Hans Cacdac kung papaano maipaparating sa iba’t-ibang concerned agencies ang paghingi ng tulong ng isang OFW o pamilya nito.
Ito ay sa pamamagitan ng e-cares o isang database kung saan makikita ang lahat ng request for assistance ng mga OFW o pamilya nito at kung ano na ang mga status nito.
Dagdag naman ni POEA administrator Bernard Olalia, isa rin sa mga layunin ng One Repatriation Command Center ay para maiwasan ang confusion sa mga OFW kung anong ahensya ang kanilang lalapitan para humingi ng tulong.
Dito ay iniulat din niya na noong taong 2019 ay nakapagtala sila ng nasa mahigit 9,000 na mga request for repatriation, habang mahigit 6,000 naman noong 2020.
Pangunahing mga dahilan nito ay maltreatment, medical condition dahil sa COVID-19, at mga OFWs na tapos na ang kontrata sa ibang bansa na hindi naman makauwi sa Pilipinas nang dahil sa mga ipinatupad na border control sa iba’t-ibang bansa bilang bahagi ng kanilang pag-iingat laban sa nasabing virus.
Samantala, iniulat naman ni DMW Sec. Susan “Toots” Ople na target din nila na bumuo ng isang action fund para sa mga OFWs na nangangailangan ng legal assistance sa ibang bansa bilang bahagi pa rin ng mga programang isinusulong ng kagawaran para sa dagdag na proteksyon sa kanila.
Sa kasalukuyan ay mayroon namang umiiral na legal fund ang Department of Foreign Affairs (DFA) kung saan nire-refer ang mga kaso ng OFW na nangangailangan ng legal assistance.