-- Advertisements --

Nanawagan ang advocacy group na Philippine Business for Education (PBEd) sa pamahalaan na magkaroon ng komprehensibong reporma para masolusyunan ang anila’y learning crisis sa Pilipinas.

Ayon kay PBEd chairman Ramon del Rosario Jr., kailangan na magkaroon ng malakas, multi-sectoral coalition para maisulong ang reporma sa edukasyon at maityak na prayoridad sa national development agenda ang kalidad ng edukasyon.

Base kasi aniya sa napaulat na tatlong international learning assessments, kasama ang Pilipinas sa pinakamababa sa buong mundo pagdating sa science, mathematics at reading competency.

Bukod dito, mababa rin anila ang ranggo ng mga Pilipino sa mga skills na kailangan para magtagumpay ngayong 21st Century.

Kaya naman kailangan anila na mismong sa pamahalaan magsimula ang pagbabago sa lagay ng edukasyon sa bansa sa pamamagitan nang pagpapatupad ng komprehensibong plano para rito.

Kabilang sa kanilang inirerekomendang repoma sa sistema ng edukasyon sa bansa ay ang pagtugon sa problema sa malnutrition sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagpapatupad nang Philippine Plan of Action for Nutrition, pagbibigay ng malaking pondo para sa edukasyon, at pagtatag nang isang autonomous assessment agency.

Inirekomenda rin nila ang pagbuo ng isang National Teacher Education Scholarship program at mas malakas na implementasyon nang mother tongue-based multilingual education.