Iimbestigahan ng Kamara ang repatriation ng ilang libong overseas Filipino workers (OFWs) na stranded pa rin hanggang sa ngayon sa ibang bansa at maging sa ilang lugar dito sa Pilipinas.
Sinabi ni Defensor na ilang libong OFWs ang nais nang makauwi ng Pilipinas magmula nang kumalat ang COVID-19 pero stranded pa rin sa ngayon lalo na sa Saudi Arabia at iba pang bansa sa Middle East at Europe.
Sa kanilang isasagawang imbestigasyon, sinabi ng kongresista na nais nilang matukoy kung anong mga problema ang kinakaharap ng mga ahensya ng pamahalaan sa pagpapauwi sa mga OFWs na ito.
“Are there no planes that can be chartered to fly them? Are there no government planes or ships that could be used? Are there sufficient repatriation and related funds? These are some of the questions we want answered,” ani Defensor.
Iginiit ni Defensor na mahalagang maibalik ng Pilipinas sa lalong madaling panahon ang ilang daang Pilipino na sumakabilang buhay sa Saudi Arabia kamakailan.
Base sa Department of Labor aniya, nasa 280 ang Pilipinong namatay, pero sinasabi naman aniya ng Philippine Embassy sa Saudi Arabia na mahigit 350 na ito, kung saan 100 ang pumanaw dahil sa COVID-19.
Pinuna rin ng kongresista ang sitwasyon ngayon ng mga OFWs na kinailangang matulog sa airport at mga kalapit na lugar habang naghihintay ng kanilang flights pauwi ng kanilang probinsya.
“The sight of hundreds sleeping under the NAIA tollway for days before the Army took pity on them and offered them temporary shelter does not speak well of the agencies that should be attending to them,” ani Defensor.
Ipinagtataka niya kung bakit walang maibigay na eroplano o barko ang Air Force at Navy o Coast Guard na maaring sakyan ng mga stranded OFWs pauwi sa kanilang probinsya sa Visayas at Mindanao.