Hindi nakaranas ng anumang adverse effects si House Committee on Health chairman Angelina Helen Tan matapos na magpaturok ng Coronavac ng Chinese firm na Sinovac Biotech.

Sinabi ito ni Tan sa Ugnayan sa Batasan isang araw matapos na magpabakuna kontra COVID-19 sa Veterans Memorial Medical Center kahapon, Marso 2, 2021.

Ayon kay Tan, hindi naman nanakit ang kanyang braso kung saan itinurok ang CoronaVac.

Sinabi rin nito na hindi siya nakaramdam ng takot kahapon habang binabakunahan dahil naiintindihan naman daw niya ang mga datos at recommendation ng mga eksperto patungkol sa bakunang gawa ng Sinovac.

Nagpaturok aniya siya ng naturang bakuna para ipakita ang kanyang suporta sa COVID-19 national vaccination program ng pamahalaan.

-- Advertisement --

Paraan na rin aniya ito upang sa gayon ay maitaas ang kumpiyansa ng publiko sa gitna ng mga agam-agam sa pagpapabakuna kontra COVID-19.

Si Tan, na isa ring doktor, ang kauna-unahang mambabatas na naturukan ng COVID-19 vaccine.