-- Advertisements --

Pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang kongresistang sangkot sa anomalya sa infrastructure projects.

Sa pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) nitong Lunes binasa ng pangulo ang listahan mula sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na naglalaman ng pangalan ng mga House members na sangkot sa korapsyon.

“Angelina Helen Tan anomalous project in Quezon Province in newly constructed road that has not been open for public use was already broken on the onset of storm, it looks like beyond repair,” pahayag ni Duterte.

Kabilang sa mga nabanggit ng pangulo na kongresista na sangkot sa anomalya ay sina dating Ifugao Rep. Teodoro Baguilat, Quezon City Rep. Alfred Vargas, Occidental Mindoro Rep. Josephine Sato, ACT-CIS Rep. Eric Yap, Bataan Rep. Geraldine Roman, Misamis Occidental Rep. Henry Oaminal at Northern Samar Rep. Paul Daza.

Ayon sa Pangulo si Tan ay sangkot sa maanomalyang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Quezon Province partikular sa bagong ginawang kalsada na hindi nabuksan para sa public use subalit agad nasira nang may dumaang bagyo.

Ayon naman sa pangulo, sa pagbasa niya sa pangalan ng mga nasa listahan ay hindi naman nangangahulugang lahat sila ay guilty na sa korapsyon.

Ang mister ni Rep. Tan na si DPWH regional director Engr. Ronnel Tan ay inireklamo ni Quezon councilor Arkie Manuel Yulde ng administratibo at kriminal dahil sa pagpapaagaw umano ng pera sa isang party na aabot sa P2 hanggang 3 million ang halaga.

Sinabi din ni Yulde na si Tan ay sangkot din sa P14 billion PhilHealth scandal.