Hinimok ni Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo ang Bureau of Plant and Industry na laging maging ‘updated’ sa galaw ng mga presyo sa merkado, ng sa gayon makatulong ito na matiyak na ang mga presyo ng pagkain ay mananatiling matatag.
Ang pahayag ni Quimbo ay kasunod sa nagpapatuloy na pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food kaugnay sa hoarding at price manipulation sa mga agricultural products partikular ang sibuyas at bawang.
Idinagdag pa ni Quimbo na dapat makabuo ang pamahalaan ng isang epektibong solusyon na maaaring ipatupad sa lalong madaling panahon para hindi na maulit na magkaroon ng pagsirit ng presyo lalo na ang sibuyas.
Sumang-ayon naman ang Komite na i-subpoena ang ilang mga mangangalakal na diumano’y may mga kaugnayan sa pagmamanipula ng presyo ng sibuyas.
Sa pagdinig kahapon hindi sumipot ang kontrobersiyal na onion trader na si Lea Cruz na binansagang Sibuyas Queen, tanging ang legal counsel nito ang humarap sa panel.
Binigyang-diin naman ni Rep. Enverga na ang Komite, kasama ang mga concerned government agencies, ay naglalayong makabuo ng mga kinakailangang interbensyon upang maiwasan ang muling pagtaas ng presyo ng mga produktong agrikultural.