DAVAO CITY – Ikinatuwa ni Davao City first district Rep. Paulo “Pulong” Duterte ang paglipat at pagkuha sa kanya ng National Unity Party (NUP).
Una nang inihayag ng nakababatang Duterte, chairperson sa Hugpong Sa Tawong Lungsod (HTL), na nagpapasalamat siya NUP sa inalok sa kanya na lumipat.
Kung maaalala, ang NUP ay ang ikatlong pinakamalaking bloc sa House of Representatives maliban sa Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan at Partylist Coalition Foundation.
Una nang napili si Pulong bilang House Deputy Speaker for Political Affairs.
Inamin ng mambabatas na may ibang partido rin na nag-alok sa kanya na lumipat.
Kung maaalala, bumuo si Pulong ng Duterte Coalition kung saan miyembro nito sina Davao City Representatives Isidro Ungab at Vincent J. Garcia, Davao Oriental Rep. Corazon N. Malanyaon, Compostela Valley Rep. Manuel E. Zamora, Davao Occidental Rep. Lorna P. Bautista, Dumper Philippines Taxi Drivers Association Party-list Rep. Claudine Bautista, at Marino Party-list Reps. Sandro Gonzales at Anton Lopez.
Layunin ng nasabing coalition na magkaisa sila matapos ang tensyon sa Speakership at Committee Chairmanships sa kamara.