Binatikos ni Davao City 1st District Representative Paolo ”Pulong” Duterte ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Duterte, kulang umano ang naging tugon ng Pangulo dahil sa mga isyu ng katiwalian at ang hirap na nararanasan ng maraming Pilipino.
“Maganda sanang pakinggan ang pahayag na iyan kung pareho rin ang ipinapakitang malasakit sa sambayanang Pilipino. Habang naaawa siya sa kanyang pinsan, kailan siya huling naawa sa milyun-milyong Pilipinong lugmok sa kahirapan, dumadaing sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng pagkain, mataas na singil sa kuryente, at patuloy na pagliit ng halaga ng kanilang kinikita?” ani Rep. Duterte.
Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Marcos na malapit nang sampahan ng kaso ang dating House Speaker na si Martin Romualdez kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control projects.
Pero para kay Rep. Duterte, hindi sapat ang mga pahayag na ito ng Pangulo.
Aniya, nais ng taumbayan na malaman ang buong katotohanan at mapanagot ang lahat ng sangkot sa umano’y korapsyon, kabilang ang mga isyu sa flood control funds, PhilHealth funds, at Maharlika Fund.
“Hangga’t hindi nasasagot ang mga tanong tungkol sa bilyun-bilyong pondong ginugol sa flood control, sa kontrobersiya ng PhilHealth funds, at sa Maharlika Fund, mananatiling kulang ang anumang SONA sa mata ng mga Pilipinong patuloy na naghihirap,” dagdag ng mambabatas.
Iginiit din ng kongresista na mas mahalagang tugunan ang mga suliraning kinahaharap ng mga Pilipino tulad ng mataas na presyo ng bilihin, mahal na singil sa kuryente, mababang kita, at lumalalang kahirapan.
Dagdag pa niya, ang tunay na kalagayan ng bansa ay hindi nasusukat sa palakpakan sa loob ng Kongreso, kundi sa laman ng hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino, kalidad ng serbisyo ng pamahalaan, at tiwala ng mamamayan sa gobyerno.















