-- Advertisements --

Nanawagan si Independent Minority at Albay Representative Edcel Lagman sa Philippine National Police (PNP) na itigil na nito ang ginagawang “invasion of privacy” sa mga mamamahayag.

Ang pahayag ni Lagman ay kasunod sa naging kontrobersiya na may ilang mga pulis na bumibisita sa mismong bahay ng mga mamamahayag.

Binigyang-diin ni Lagman ang mga mamamahayag ay nangangailangan ng proteksiyon ng pulisya mula sa mga banta at hindi ang panghihimasok ng pulisya sa kanilang privacy.

Dagdag pa ni Lagman, ang ginawa kamakailan ng ilang mga pulis, ang unannounced visit sa ilang mga mamamahayag ay nagpapaalala sa mapanghimasok at ipinagbabawal na “operation tokhang” sa mga drug suspect.

Sinabi ni Lagman, dapat na itong itigil ng pulisya dahil bumubuo ito ng mga pagtatangkang pagpigil sa kalayaan sa pagpapahayag.