Hinimok ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin sa Department of Health(DOH) na i-prepositioned na ang gamot na doxycycline para sa leptospirosis sa mga barangay at maging sa mga evacuation center upang agad na magamit sa panahon ng kalamidad.
Ang pahayag ni Garin ay matapos ang naging obserbasyon sa naging pananalasa ng Bagyong Paeng na nahirapan ang mga District, Provincial at Local Government Units (LGUs) na agad na makapagbigay ng doxycycline sa mga apektadong residente dahil ang supply nito ay kukunin pa sa DOH Regional Offices.
Ang mga gamot at medical supplies bilang paghahanda sa Bagyong Paeng ay inilagay ng DoH sa mga Regional Offices nito gayunpaman nang manalasa na ang bagyo ay nahirapan nang ibaba ang gamot sa mga LGUs partikular na ang kinakailangang doxycycline.
Pahayag ng mambabatas na sa kanyang distrito sa Iloilo First District ay anim na araw matapos ang Bagyong Paeng saka nakarating ang doxycycline habang may ilang lalawigan na matinding tinamaan ng bagyo ang hindi pa ito napapakinabangan hanggang sa ngayon.
“Leptospirosis is a preventable disease pero ang nangyayari sa atin huli na yung prophylaxis na para sana sa prevention. Doxycycline to be effective should be initiated as soon as possible,” pahayag ng mambabatas na isang doktor.
Umaasa si Garin na rerebyuhin ng DOH ang prepositioning ng doxycyxline lalo isa ito sa mga gamot na kailangan sa panahon na may kalamidad.
Ang leptospirosis ay nakukuha mula sa kontaminadong ihi ng mga hayop, ang bacteria ay maaring pumasok sa mga sugat, mata, ilog at bibig.
Ang unang sintomas ay maaaring lumabas sa loob ng 2 hanggang 14 araw, kabilang dito ang mataas na lagnat, pananakit ng ulo, muscle pain, chills, pamumula ng mata, sakit ng tiyan, jaundice, pagsusuka ,diarrhea at rash. Kung hindi maagaapan ay maaari itong magresulta sa kidney damage, meningitis, liver failure, respiratory distress o kamatayan.
Napatunayan na ng mga experto na nakatutulong ang doxycycline upang hindi magkaroon ng malalang kaso ng leptospirosis at alinsunud sa “Interim Guidelines on the Prevention of Leptospiros through the use of prophylaxis in Areas Affected by Floods” na ipinalabas ng DOH ay dapat maibigay ito sa mga apektadong indibidwal sa loob ng 24 hanggang 72 oras mula ma-expose sa kontaminadong tubig.