Suportado ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno ang inisyatiba ng House of Representatives na tugunan ang ₱12-bilyong kakulangan sa pondo para sa tertiary education vouchers.
Sa naging deliberasyon sa plenaryo ng Kamara tungkol sa panukalang badyet para sa 2026, inanunsiyo ni Nueva Ecija 1st District Representative at Chairperson ng Committee on Appropriations Mikaela Suansing ang alokasyon para sa mga state universities and colleges (SUCs).
Muling binigyang-diin ni Diokno na ₱7.8 bilyon ay manggagaling sa Commission on Higher Education (CHED), habang sasagutin ng Kongreso ang natitirang balanse upang matiyak ang pagpapatuloy ng libreng tuition sa SUCs at mga lokal na unibersidad at kolehiyo.
Ibinahagi rin ni Diokno na may karagdagang ₱9.3 bilyon para sa Tulong Dunong Program at Tertiary Education Subsidy, dalawang pangunahing programa para sa mga estudyanteng nangangailangan.
Bagamat tumagal hanggang hatinggabi ang mga deliberasyon noong Biyernes, binigyang-diin ni Diokno na sulit ang pagod upang matiyak ang pondo para sa abot-kaya at dekalidad na edukasyon sa kolehiyo.