Kinondena ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang pagdepensa ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa P125 milyong confidential fund na hiningi nito noong 2022.
Ang komento ni Castro ay nag-ugat sa hiling ng kampo ni VP Sara sa Korte Suprema na ibasura ang mga petisyon laban sa confidential funds dahil ang mga hinala at alegasyon lamang umano ang mga ito.
Sinabi ng lady solon na hindi “theoretical” lamang ang confidential funds ni VP Sara dahil ginastos nito ang P125 milyong confidential fund noong 2022 na ginamit na lang sana upang matulungan ang mga mahihirap na pamilya.
Si Castro at iba pang miyembro ng Makabayan bloc ang kumuwestyon sa constitutionality ng ginawang paglipat ng pondo mula sa Office of the President patungo sa Office of the Vice President noong 2022.
Batay sa datos ng Commission on Audit, ang P125 milyong pondo ay inubos sa loob lamang ng 11 araw.
Iginiit ni Castro na sa ilalim ng 2022 national budget ay walang nakalaang confidential fund para sa OVP at iba pang civilian agency.
Dagdag pa ni Castro na walang congressional authorization para sa OVP na tumanggap ng P125 million confidential funds, ibig sabihin malinaw na paglabag ito sa batas.