-- Advertisements --

Tinawag ni Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers na “mabuting hakbang” ang panawagan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos sa lahat ng matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na may kaugnayan sa illegal drug trade na magsumite ng kanilang courtesy resignation.

Aniya, bilang chairman ng House Committee on Dangerous Drugs suportado niya ang hakbang ni Abalos na linisin ang ranggo ng mga senior police officers na ‘infected’ o sangkot sa illegal drug trade.

Dagdag pa niya, tama lang ang hakbang na tinatahak ni DILG Secretary Abalos upang linisin ang hanay ng kapulisan laban sa illegal na droga.

Sinabi ni Barbers na habang wala pang konkretong ebidensiya na direktang nag-uugnay sa mga matataas na opisyal ng pulisya sa iligal na droga, malawak ang usap-usapan na ang ilang mga opisyal ng pagpapatupad ng batas sa aktibong serbisyo ay nadudumihan ang kanilang mga kamay gamit ang narcotics.

Tinawag ng beteranong kongresista na “open secret” ang mga sinasabing link.

Nauna ng hiniling ni Abalos sa mga opisyal ng PNP na magsumite ng kanilang courtesy resignation na may ranggo ng colonel hanggang sa mga general at ito ay susuriin ng five-member committee, na nakatakdang i-anunsiyo pa ang komposisyon nito sa lalong madaling panahon.