-- Advertisements --

Iginiit ni Lanao del Sur Representative at House Impeachment Trial spokesperson Zia Alonto Adiong na inaasahan ng publiko ang katotohanan at hindi “political theater” sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa July 6.

Ayon kay Adiong, tungkulin nilang iharap ang ebidensya nang malinaw, propesyonal, at naaayon sa Konstitusyon.

Sinabi rin niya na bagamat wala pa silang natatanggap na pormal na abiso mula sa Senado hinggil sa iskedyul ng paglilitis, handa na umano ang 11 miyembrong prosecution panel sa anumang takdang petsa ng impeachment court.

Binigyang-diin din ni Adiong na ang impeachment trial ay hindi laban sa Mindanao, Davao, o anumang rehiyon kundi bahagi ng constitutional process ng bansa.

Aniya, ang boto ng 257 miyembro ng Kamara mula sa iba’t ibang rehiyon ay patunay na dapat marinig nang buo ang mga ebidensya sa Senado.

Dagdag pa niya, dokumento, opisyal na rekord, at mga sinumpaang salaysay ang ihaharap ng prosecution panel at hindi umano dapat pairalin ang ingay ng pulitika o social media narratives sa pagdedesisyon ng kaso.