-- Advertisements --

Nakahanap ng kakampi si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa katauhan ni Cavite Gov. Jonvic Remulla matapos na kutyain ng mga kritiko nito dahil sa kanyang mga lumang sexy photos na kumakalat online.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Remulla na hindi issue ang nakaraan ni Mayor Isko, at iginiit na ang mahalaga ay kailan man hindi raw nagsinungaling, nagnakaw, pumatay ng tao o hindi kaya ay nagdala ng kahihiyan sa mga residente ng Maynila bilang isang public servant.

Kung titingan aniya, ang mga litrato ni Domagoso na kumakalat ngayon sa social media ay noong mga panahon na ito ay artista pa at hindi noong siya ay bilang kagalang-galang na konsehal, vice mayor o kasalukuyan bilang alkalde ng lungsod ng Maynila.

Bagama’t hindi pinangalanan ni Remulla ang mga kritiko na pinatutungkulan nito, kamakailan lang ay kinutya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang local chief executive dahil mga sexy photos nito online.

Bagama’t wala naman ding binanggit na pangalan si Pangulong Duterte, si Domagoso lamang ang tanging alkalde sa Metro Manila na gumanap dati sa mga sexy na mga pelikula bago pa man naging politiko.

Gayunman, sinabi ni Remulla na kung nagawa man ni Domagoso ang mga sexy roles dati noong ito ay aktor pa, ginawa niya ito para maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan.

Pagkakataon din aniya ito noon ni Domagoso para kumita sa kanyang pamilya.

Iginiit din ng gobernador ng Cavite na dapat ang pagpuna sa isang kalaban sa politika ay ibinabase lamang sa kakayahan nito sa serbisyo publiko at huwag sa nakaraan nito.