-- Advertisements --

Pumalag ang Makabayan bloc sa rekomendasyon ng dalawang komite sa Senado para sa mas pinaigting na presensya ng mga pulis sa loob ng mga paaralan sa gitna ng umano’y recruitment ng mga makakaliwang grupo sa mga menor de edad.

Inirekominda ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na pinamumunuan ni Sen. Ronald dela Rosa, at ng Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, na pinamumunuan naman ni Sen. Panfilo Lacson, ang masusing pagsiyasat sa mga aktibidad ng mga mag-aaral upang matiyak ang kanilang seguridad, kaligtasan at well-being.

Inilabas ang naturang committee report kasunod ng isinagawang imbestigasyon sa mga nawawalang menor de edad na sinasabing na-recruit ng mga makakaliwang grupo para sumali sa New People’s Army (NPA).

Sa isang pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni ACT Teachers party-list Representative France Castro sa simula pa lamang ng kanilang imbestigasyon, target na talaga aniya ni Dela Rosa ang mga makakaliwang organisasyon.

“Ang masasabi lang natin, wala doon (sa mga paaralan) yung mga tunay na kriminal, wala doon ang mga kalaban ninyo. Kabaro ninyo [ang kalaban], napatunayan na nga dito sa ninja cops, yung nangyayaring agaw-bato, yung mga carnap na ginagawa ng mga kapulisan,” ani Castro.

Sinabi naman ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na ang pag-iisip na ito ni Dela Rosa ay resulta ng kanyang pinagdaanan sa hazing sa Philippine Military Academy.

Iginiit ni Zarate na walang mali kung nagpapahayag ng kanilang pagkadismaya sa gobyerno ang mga kabataan.

Samantala, binatikos naman ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago ang isa pang rekomendasyon ng dalawang panels na paimbestigahan siya at iba pang youth leaders.

“Dapat siya ang imbestigahan dahil sa role niya bilang dating PNP at BuCor chief, libo-libo ang mga namatay na mga walang kalaban-laban na mahihirap, sa drug ops ng mga pulis, samantalang nagpalaya pala ng murderer, ng mga rapists, mga drug lords, at nanatili rin under his watch ang mga ninja cops,” ani Elago.