Nilinaw ng Department of Health (DOH) na patuloy ang ginagawa nilang koordinasyon sa hanay ng mga health care workers na nangunguna sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire inatasan na ni Sec. Francisco Duque ang kanilang finance team para tugunan ang pangangailangan ng ilang health care facilities na napupuno na ng pasyente.
Hinimok na rin daw ng kalihim ang mismong health care workers at opisyal ng mga pagamutan na mag-usap at resolbahin ang mga lumulutang na issues sa kani-kanilang pasilidad.
“Patuloy pa rin ang dialogue. Saka talagang sinisiguro natin ngayon na ‘yung mga pangangailangan ng ating healthcare workers ay natutugunan ng kanilang hospital. Tinitignan natin ‘yan ngayon,” paliwanag ng opisyal.
Nitong nakaraang linggo, magkasunod na araw na nagsagawa ng silent protest ang ilang nurse ng San Lazaro Hospital sa Maynila para ipanawagan ang dagdag na supply ng personal protective equipment (PPE) at bayad sa quarantine leave.
Ayon sa grupong Filipino Nurses United, ilang nurses na nagta-trabaho ng 12-hour shift ang napilitang bumili ng sarili nilang mga PPE.
“These continuous dialogues between the management and the workers were reiterated by the Secretary para naman magkaayos ayos sila within their hospitals,” tugon ni Vergeire.










