-- Advertisements --

Isinusulong ni Northern Samar Representative at Senior Deputy Minority Leader Paul Daza na panahon na para paghiwalayin ang regulatory at commercial functions ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kasunod sa nangyaring technical glitch sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nasa 300 flights ang naapektuhan dahil sa nangyaring power outage sa Air Traffic Management Center ng CAAP at 65,000 pasahero ang apektado.

Una ng inihayag ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista na ongoing na sa ngayon ang isinasagawang internal investigation.

Nanawagan naman si Daza sa kanyang mga kapwa mambabatas sa Kamara na magsagawa ng joint investigation kasama ang Senado kaugnay sa nangyaring flight distruptions nuong New Years Day.

Ayon kay Daza, layun nito na makuha ang malinaw na kasagutan hinggil sa kung sino ang mga dapat na managot sa malawakang aberya na nagresulta sa pagkansela at pagdivert ng mahigit 300 local at international flights sa bansa.

Sinabi ni Daza, nakasaad sa Section 91 ng RA 9497, na kabilang sa oversight functions ng dalawang kapulungan ng kongreso ang imbestigahan ang mga ganitong uri ng insidente in aid of legislation.

” We could no longer afford another similar incident; thousands of lives had been put at risk and will be put at risk if this should ever happen again,” wika ni Cong. Daza.

Inirekomenda rin ni Daza na agarang rebyuhin o amyendahan ang ilang probisyon sa RA 9497.

Giit ng mambatas, mahalagang bumuo ang gobyerno ng impartial body na magsasagawa ng imbestigasyon sa kung ano ang tunay na nangyari sa paliparan nuong January 1,2023.

Sa bubuuing investigating body, hindi aniya maaring isama ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nang sa gayon matiyak na magiging patas ang imbestigasyon.

” This is a wake-up call. In an archipelagic country where air-and sea- based travel is critical growth, we can’t be this complacent and worse, be left behind,” dagdag pa ni Daza.