Inaasahan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) na posible nang matanggap ang red notice mula sa International Criminal Police Organization (Interpol) laban yan kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
Ayon kay DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla, inaasahan nila ang kumpirmasyon nito simula ngayong linggo o sa sususnod na linggo matapos na mag-apply ng notice ang pamahalaan laban sa dating kongresista.
Ayon pa sa kalihim, nananatili pa rin ang dating kongresista sa Portugal at hindi na inaasahan pang magtutungo sa ibang bansa.
Magugunita naman na nitong Nobyembre ng nakaraang taon naglabas na ng blue notice ang Interpol laban kay Co para sa iba pang mga impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan nito at kung nasaan ang eksaktong lokasyon niya na pawang may mga kaugnayan sa kinahaharap niyang mga kaso kaugnay ng flood control scandal.
Samantala, tiniyak naman ng pamahalaan na sa kabila ng mga kasalukuyang isyu at krisis na kinahaharap ng bansa ay hindi pa rin nakakalimutan ang mga nauna nang isyu kaugnay ng flood control at siniguro na papapanagutin sa batas ang mga personalidad sa likod nito.
















