Kasunod ng isinagawang raid sa tinaguriang “Recto University” na pinangunahan mismo ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso, muli itong nagbanta sa mga sangkot sa pamemeke ng mga mga dokumento at mga lisensiya na nakapuwesto sa Recto Avenue sa Quiapo, Manila.
Ayon sa alkalde, panahon na raw para masawata ang Recto University kayat kailagan na ng mga negosyanteng itigil ang iligal na gawain.
Kaninang tanghali nang sumugod si Domagoso sa Recto sa Maynila kasama ang joint operatives na pinangunahan ni Maj. Jhun Ibay, chief ng Special Mayor’s Reaction Team (SMART).
Sa naturang operasyon sinabi ni Ibay na mayroong tatlong motorsiklo na may kuwestiyonableng mga dokumento ang na-impound habang 42 katao naman ang nahuli.
Nasa 52 stalls naman ang nag-o-operate na naisyuhan ng permits bilang printing companies lamang.
May anim ding machines ang narekober ng raiding team na ngayon ay inaalam kung ano talaga ang gamit.
Agad ipinag-utos ni yorme na sirain ang naturang mga makina kapag napatunayang ginagamit ang mga ito sa pamemeke ng mga dokumento.
Noong Lunes, nag-isyu na ng warning si Mayor Isko laban sa mga stall owners sa Recto Avenue para itigil ang pag-imprenta ng mga pekeng dokumento at lisensiya.
Labis na ikinagalit ni Domagoso matapos nitong mapag-alamang pati ang mga official local government receipts ay iligal ding pino-produce sa nasabing area.