Hinimok ni Samahang Basketball ng Pilipinas(SBP) President Al Panlilo ang mga basketball fans sa bansa na saksihan ang opening ng FIBA World Cup 2023.
Ito ay kasabay ng pagnanais ng SBP na mabasag ang record ng may pinakamataas na bilang ng mga manood sa isang FIBA Game.
Ayon kay Panlilo, kung kakayanin ay mainam na punuin ng mga fans ang lahat ng upuan sa Philippine Arena na mayroong 55,000 capacity.
Kung mangyayari ito ay otomatikong mababasag na ang record ng may pinakamaraming nanood sa isang FIBA game.
Sa kasalukuyan kasi ay nasa 32,616 ang record ng may pinakamaraming nanood sa isang FIBA Game.
Naitala ito noong 1994 FIBA World Cup Championship sa Toronto, Canada, dahil na rin sa sikat na Dream Team II ng Estados Unidos. Ang nasabing US Team, ay binubuo ng mga sikat na NBA Players katulad nina Shaquille O’Neal, Reggie Miller, Dominique Wilkins, Shawn Kemp at Alonzo Mourning
Sa nasabing laro, tinambakan noon ng Dream Team II ang Russian team sa score na 137-91 para sa Gold. Kilala rin ang nasabing laban bilang ‘most lopsided championship in World Cup, dahil sa labis na kalamangan ng US.
Gaganapin ang opening Game sa pagitan ng Pilipinas at ng Dominican Republic sa August 25, alas-8 ng gabi.