Inihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ang realokasyon ng confidential funds ay magpapalakas pa sa kanilang monitoring at surveillance efforts sa West PH Sea.
Ito ay kasunod na rin ng pag-realign ng House of Representatives ng confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President, Department of Education at iba pang civilian agencies para i-augment ang mga pondo ng intelligence at security forces.
Kaugnay nito, nagpasalamat si BFAR national director Demosthenes Escoto sa mga mambabatas sa kanilang konsiderasyon para dagdagan ang kanilang pondo.
Aniya, magpapalakas pa at magpapaibayo pa lalo ang naturang inisyatibo sa kanilang kasalukuyang mga aktibidad sa monitoring, control at surveillance sa WPS at sa iba pang fishing grounds para matiyak ang tuluy-tuloy na paggamit ng ating marine resources at seguridad sa kabuhayan ng kababayan nating mangingisdang Pilipino.
Ayon pa sa ahensiya, ginagamit nito ang kasalukuyang assets at available resources sa paglaban sa iligal, unregulated at unreported fishing na patuloy na banta sa katubigan ng Pilipinas.