-- Advertisements --
PNP CHIEF AZURIN

Sinimulan na ng Philippine National Police ang pagsasagawa ng random inspection sa mga pagawaan ng paputok sa Pilipinas ngayong malapit na ang araw ng Kapaskuhan at gayundin ang pagdiriwang ng Bagong Taon.

Ito ay matapos ang magkahiwalay na insidente ng pagsabog ng dalawang ilegal na pagawaan ng paputok sa bahagi ng Sta. Maria, Bulacan, at Sitio Majada sa Calamba, Laguna.

Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo na kaugnay nito ay nakipag-usap na rin aniya siya kay PNP Firearms and Explosives Office Chief, PCol. Kenneth Lucas, at iba pang regional chief security units mula sa iba’t ibang panig ng bansa para sa pagsasagawa ng random inspection sa mga manufacturer ng firecrackers at pyrotechnic devices.

Aniya, layunin nitong tiyakin na talagang sumusunod sa mga itinakdang requirements ng mga kinauukulan ang mga manufacturers ng paputok, alinsunod sa Republic Act 7183 at gayundin sa inilabas na policy and issuances ng PNP Civil and Security Group.

Ayon pa kay Fajardo, sa ngayon ay wala pa namang namo-monitor ang mga otoridad na paglabag sa mga pagawaan ng paputok na mayroong permit.

Ngunit, binigyang-diin niya na mabigat ang kasong kahaharapin ng sinumang mapapatunayang ilegal na nagpapatambo ng pagawaan ng mga paputok.

Sa katunayan pa nga aniya ay sinampahan na ng pulisya ng kasong reckless imprudence resulting to homicide ang may-ari ng nasunog na bahay na ginamit bilang ilegal na pagawaan ng paputok sa Laguna na ikinasawi naman ng limang indibidwal.

Bukod dito ay kinasuhan din ang nasabing may-ari ng kasong paglabas sa RA 7183 o ang batas na nagre-regulate sa pagbebenta, paggawa, pamamahagi, at paggamit ng mga firecrackers at pyrotechnic devices.