Isiniwalat ng detainee na si Ramil Madriaga, ang nagpakilalang bagman umano ni Vice President Sara Duterte, ang umano’y planong patalsikin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung hindi siya bababa sa puwesto pagsapit ng 2025.
Sa kanyang supplemental affidavit na iniharap sa House justice panel ngayong Martes, Abril 14, inakusahan ni Madriaga si dating Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y nagplano ng mga hakbang tulad ng kudeta o maging asasinasyon, kasama ang civil disobedience, mass resignation ng mga opisyal, at posibleng armadong pag-atake sa Malacañang.
Ayon kay Madriaga, may kasunduan umanong nabuo noong 2021 sa pagitan ng kampo nina Marcos at Duterte na bababa sa pwesto ang Pangulo noong 2025 upang bigyang-daan ang pagkapangulo ni VP Sara.
Kung hindi umano ito matutupad, tinalakay ang iba’t ibang paraan upang mapatalsik ang Pangulo, kabilang ang pagsasabotahe sa kanyang administrasyon at paghahain ng impeachment case gamit ang umano’y isyu ng korapsyon.
Dagdag pa ni Madriaga, layunin umano ng plano na paikliin ang termino ni Marcos upang maging kwalipikado si Sara Duterte na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.
Ibinunyag din niya ang umano’y pagpopondo sa grupong ISIP Pilipinas para sa kampanya ni VP Sara noong 2022, kabilang ang P175 milyong halagang kanyang tinanggap umano mula sa isang turnover sa Quezon City, na aniya’y ginamit sa campaign operations sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang mga kampo ng mga nasasangkot hinggil sa naturang mga alegasyon.
















