Hindi naging hadlang para sa Rain or Shine Elasto Painters ang kawalan nila ng import para tuluyang talunin ang Meralco Bolts 109-102 sa nagpapatuloy na PBA 50th Season Commissioner’s Cup.
Dahil dito ay napanatili pa rin ng Rain or Shine ang malinis na record kung saan wala pa silang katalo-talo sa laro naginanap sa Smart-Araneta Coliseum.
Nasuspendi kasi ng isang laro ang import ng Rain or Shine na si Jaylen Johnson matapos ang naganap na suntukan nila ni Glenn Khonbuntin ng TNT.
Bumida sa panalo ng Rain or Shine si Felix Lemetti na nagtala ng 23 points habang mayroong 17 points si Adrian Nocum, 16 points naman kay Caelan Tiongson, 15 points at siyam na rebounds naman ang naitala ni Jhonard Clarito at mayroong 12 points ang rookie na si Christian Manaytay.
Sa simula ay dominado ng Rain or Shine ang laban kung saan napababa ito ng Bolts sa 95-94 sa last quarter subalit hindi na hinayaan pa ng Elasto Painters na sayangin pa ang pagkakataon hanggang naipanalo ang laro.
Sinabi naman ni Rain or Shine coach Yeng Guiao na natiyempuhan lamang nila na hindi maganda ang inilaro ng Bolts kaya nila ito sinamantala.
Hindi naman umubra ang ginawang 29 points ni Chris Newsome habang mayroong 17 points at 16 rebounds ni Marvin Jones.
















