-- Advertisements --

Ganap na na National Shrine o Pambansang Damabana ng Hesus Nazareno ngayong araw ang Quiapo Church.

Dinayo ng ilang deboto ngayong araw ang Quiapo Church para magdasal at pakinggang ang pagbasa ng decree na nagdideklara sa naturang simbahan bilang national shrine.

Naniniwala ang mga deboto na dapat lang na maideklara ito bilang sentro ng debosyon dahil sa mga milagrong naranasan nila sa paniniwala sa Nazareno.

Para maging isang national shrine ang isang simbahan, dapat may kahalagahan sa kasaysayan ng simbahan o tahanan ito ng sacred object.

Ang Quiapo Church ay naging tahanan ng imahe ng Black Nazarene na dinadagsa ng milyong-milyong deboto tuwing Enero 9.

Ayon kay Regina Alfonso, isang deboto, masaya siya sa pag-usad ng petisyon at sana ay maging International Shrine pa ito gaya nalamang umano ng Antipolo Cathedral.

Matatandaan na ang 450-anyos na Antipolo Cathedral ay pormal na idineklara bilang isang international Catholic shrine noong Biyernes, Enero 26, sa isang solemn Mass na pinangunahan ni Papal Nuncio Archbishop Charles John Brown.

Kilala rin ito bilang Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage, ang katedral ay ang unang international Catholic shrine sa Pilipinas at Southeast Asia.

Samantala, ikinasaya rin ni Myrna Imperial ang deklarasyon, linggo-linggo umano siyang nagsisimba at kahit siya, ay nakaranas na rin ng milagro ng Nazareno.

1987 nang kilalanin ng Santo Papa na si John Paul II ang Quiapo Church bilang minor basilica o basilica minore.

Ito ang tahanan ng Black Nazarene na pinaniniwalaang milagroso.

Isa sa pinakakilalang simbahan sa Pilipinas, na dinadayo ng mga deboto para manalangin at ipakita ang kanilang pananampalataya.

Ang nasabing simbahan ay itinayo ng Franciscan missionaries noong August 1586 gamit nag mga kawayan at nipa materials.

May 10, 2023 isinulong sa Catholic Bishops Conference of the Philippines na maging National Shrine ang Quiapo Church.