Simula ngayong araw ay tumanggap na ng COVID-19 patients ang dedicated wing ng Philippine General Hospital na may 130 bed capacity.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, walang dapat ikabahala ang 400 pasyenteng naka-confine sa PGH dahil hiwalay pa rin ang kanilang pasilidad sa mga infected patients.
Dahil patuloy na umaakyat ang bilang ng mga kaso, nakipag-ugnayan na raw ang DOH sa Philippine Tuberculosis Society para magamit na pasilidad ang Quezon Institute para sa mga pasyenteng may mild symptoms at asymptomatic.
“Sila ay magsisilbing isa sa mga pasilidad para sa mga kasong positibo sa COVID-19 na asymptomatic o di kaya mild symptoms,” ani Vergeire.
Una rito, nagpahayag na rin daw ang Philippine Red Cross ng pagtatayo ng tents sa nasabing pasilidad para naman sa mga PUI.
“Ang DOH ay nakikipag-ugnayan na sa mga ahensyang ito para sa pagbubukas ng Quezon Institute sa susunod na linggo.”
“Ipinapaalala naman na ang mga pasyenteng tatanggapain lamang ay ang mga ire-refer lang ng mga rural health units galing sa iba’t ibang cities o munisipyo, at mga referred mula dito sa National Capital Region.”
“Yung mga may severe na sintomas at vulnerable population ay sa ospital natin sila ipinapadala.”