-- Advertisements --

Ipinauubaya na lamang ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa mga eksperto kung gaano kahaba ang kailangan na quarantine period para sa mga returning Filipinos.

Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa P5.024-trillion proposed 2022 national budget, sinabi ni Locsin Jr. na ang mga eksperto ang mas nakakaalam sa kung anong pag-iingat ang kinakailangan na gawin ngayong panahon ng pandemya.

Aminado si Locsin naminsan ay nakakainis din ang mga panuntunan na kailangan sundin, subalit hindi aniya kakayanin na sa ngayon ng bansa kung lumala man ang kasalukuyang sitwasyon kapag sumirit na naman ang COVID-19 infections.

Iginiit din ng kalihim na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay nag-iingat lamang din sa kapakanan ng mas nakararami kaya nanatiling mahigpit ang mga umiiral na protocols.

Sa inilabas na resolusyon kamakailan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ibinalik sa 10 araw ang quarantine period para sa mga returning Filipinos mula sa dating pitong araw lamang.