Iginiit ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na dapat maitala at maipaliwanag sa publiko kung saan napunta ang bawat pondong inilaan ng pamahalaan para sa flood-control projects sa bansa.
Kasabay ito ng panawagan ni Pangilinan para sa isang komprehensibong national flood management plan, habang patuloy na nakararanas ng pagbaha ang ilang bahagi ng Metro Manila at mga karatig-lalawigan dahil sa pinalakas na habagat.
Ayon kay Pangilinan, hindi sapat na malaman lamang kung magkano ang inilaan para sa flood control. Dapat ding malinaw kung anu-anong proyekto ang pinondohan, saan isinagawa, magkano ang ginastos, sino ang mga contractor, ano ang status ng implementasyon at kung naging epektibo ba ang mga ito.
Binigyang-diin ng senador na hindi dapat nauuwi sa mga proyektong nasa papel lamang ang pondong inilaan para protektahan ang mga komunidad laban sa pagbaha.
Aniya, dapat makita ang aktuwal na resulta ng mga proyekto sa mga lugar na kanilang pinagsisilbihan.
Ginawa ni Pangilinan ang panawagan habang patuloy na nakaaapekto ang pagbaha sa klase, trabaho, negosyo at transportasyon sa ilang lugar.
Sinabi rin ng senador na kailangang magkaroon ng pangmatagalang at magkakaugnay na flood management plan sa buong bansa upang hindi lamang nakasandig ang pamahalaan sa emergency response tuwing may malakas na pag-ulan.
Para kay Pangilinan, dapat preventive, science-based at transparent ang national flood management plan, habang isinasaalang-alang din ang mga epekto ng climate change at iba pang environmental concerns.
















