-- Advertisements --
QCPD1

Pinag-iingat ngayon ng Quezon City Police District  ang publiko laban sa mga masasamang loob  lalo nat talamak ngayon ang nakawan ng mga sasakyan. 

Nagkalat umano ang mga salisi modus ngayon panahon na tumatarget sa mga  nakaparadang sasakyan at motorsiklo.

Sa isang pahayag, sinabi ni QCPD OIC Police Colonel Melecio Buslig Jr, simula noong buwan ng Setyembre , marami ang mga naging biktima ng Salisi modus matapos na maiwan ang kanilang mga sasakyan ng hindi naka lock. 

Kabilang na rito ang isang insedente na naitala noong September 14 sa Brgy. Masagana na kung saan natangay ang motorsiklo ng biktima.

Sa kuha ng CCTV  footage sa lugar, makikita rito ang ginagawang pagsipat ng suspeck sa mga naka park na sasakyan at motorsiklo at tinarget ang hindi nakalock na motorsiklo. 

Kalaunan ay narecover din ang motor matapos na respondihan ng Pulisya ang insidente. 

Kaagad namang pina-igting ng QCPD ang kanilang kampanya kontra salisi modus upang kaagad na maaresto ang mga sangkot sa ganitong ilegal na aktibidad.

Panawagan naman ng QCPD sa publiko, siguruhing naka lock ang kanilang mga sasakyan o motorsiklo bago iwan sa paradahan.

Tiyakin rin na laging dala ang susi ng sasakyan bago bumaba ng sasakyan o motor. 

Iwasan rin ang pag-iiwan ng mga mahahalagang gamit sa loob ng sasakyan na mainit sa mata ng mga masasamang loob kagaya ng cellphone, laptop , pera at iba pa.