-- Advertisements --

cv1

Umaarangkada na ang community vaccination ng Quezon City government para maabot ng lungsod ang population protection sa lalong madaling panahon.

Ito ay bukod pa sa regular vaccination sites tulad ng mga simbahan, malls, company o office vaccination, drive-thru sites, TODAs, at home vaccination.

Sa community vaccination, ang QCProtekTODO Vaccination Team ang dumadayo sa mga bara-barangay.

Upang hindi maantala ang paghahanap-buhay ng mga tindera at pedicab drivers, inilapit ng Quezon City Health Department ang QCProtektodo vaccination program sa mga residente ng Sitio San Roque sa Barangay Bagong Pag-asa.

Ito ay sa pangunguna ni Dr. Karen See ng QCHD, nabigyan ng unang dose ng Pfizer COVID-19 vaccine ang mga talipapa vendor, pedicab drivers, at mga residente ng komunidad na nais magpabakuna.

Ayon kay Dr. Karen See, hindi maiwan ng mga vendor ang kanilang puwesto kaya’t sila na mismo ang naghatid ng bakuna sa kanila.

Ito na ang pangalawang beses na lumabas sa vaccination site ang team ng QC City Health Department para mailapit sa mga QCitizen ng Sitio San Roque ang bakuna.

Sa kabuuan, umabot sa 943 ang nabakunahan sa Barangay Bagong Pag-asa.

Binakunahan din sa mga lying-in clinic ang mga buntis na nasa second at third trimester.

Bago bakunahan, sumasailalim muna ang mga ito sa assessment ng mga doctor ng QC Health Department.

Mayroon din silang medical clearance at pumirma sila sa consent form na nagpapatunay na maaari at pumapayag silang magpabakuna.

Samantala, umabot na sa mahigit 3.4 million doses ng bakuna ang naiturok sa mga QCitizens.

Nasa mahigit 1.8 million o 105.87% ng 1.7 Million na target adult population ang partially vaccinated.

Sa kabuuan, 1,643,211 o 96.66% ng target adult population ang maituturing na fully-vaccinated. Kabilang na rito ang bilang ng mga naturukan ng single-dose vaccine na Janssen.

Sa kabilang dako, nasa 96.36% o 168,749 na ang gumaling mula sa Covid-19 infections.

Ayon sa QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), 4,903 ang kumpirmadong active cases mula sa 175,131 na kabuuang bilang ng nagpositibo sa lungsod.