-- Advertisements --

Hinimok ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang kanilang mga barangay na magtayo ng sariling pasilidad para sa quarantine ng mga residenteng magpo-positibo o suspected sa COVID-19.

“These facilities enable immediate isolation of asymptomatic or mild cases, or suspect and probable cases,” ani Mayor Joy Belmonte.

“Also, the barangay quarantine facilities will help free up hospital beds for moderate, critical or severe cases,” dagdag ng alkalde.

Nitong nakaraang Biyernes nang maglabas ng memorandum ang QC LGU, kung saan nakasaad ang guidelines kung paano magtatayo ng quarantine facility ang mga barangay.

Ayon kay Dr. Rolly Cruz, head ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), maaaring makipag-ugnayan sa City Health Department ang sino mang barangay na interesadong magtayo ng pasilidad.

Sa ilalim ng binuong guidelines, dapat ay selyado ng bintana at pintuan ang isang quarantine facility. Dapat din na ventilated ito, may upuan at kama, power supply, tubig at pwedeng makapaglaba.

Importante rin umano na may access sa Barangay Health Emergency Response Team (BHERT), at iba pang otoridad na responsable sa pagbabantay ng pasyente ang pasilidad.

Nakasaad din sa guidelines na dapat ay may dalawang oras na maximum travel period mula sa quarantine facility patungong ospital.

Ang mga pwedeng manatili sa barangay quarantine facilities ay mga asymptomatic at mild confirmed cases, pati na mga kumpirmadong kaso na dating na-admit sa ospital o recovery facility at kailangan na lang tapusin ang 14-day isolation.

“However, barangay isolation facilities should not accept patients with moderate or severe symptoms as these must be referred to the nearest hospital,” ani Dr. Cruz.