Napawalang-sala ng Manila Regional Trial Court si Pura Luka Vega o Amadeus Fernando Pagente sa tunay na buhay kaugnay ‘yan ng kasong isinampa laban sa kanya dahil sa viral niyang drag performance na “Ama Namin” habang nakasuot ng kasuotan ni Kristo.
Batay sa naging desisyon ng Korte na may petsang Hunyo 10, sinabi ng Branch 184 ng Manila RTC sa pangunguna ni Judge Czarina Samonte-Villanueva na hindi napatunayan ng prosekusyon ang pagkakasala ni Luka “beyond reasonable doubt.” Kaya’t inabsuwelto siya sa paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code at Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175).
Kasabay nito, iniutos din ng korte ang pagbigay sa P72,000 na maalalang pinyansa ni Luka para sa pansamantalang kalayaan.
Hindi naman napigilan ng drag performer na magpasalamat sa kanyang social media sa desisyon ng korte at binanggit na “isa na lang ang natitirang kaso.”
Bagama’t pinawalang-sala, pinaalalahanan pa rin ng korte si Luka na maging maingat sa mga isinasagawang performance lalo’t malawak ang naaabot ng social media.
Matatandaang noong Hulyo 2023, nagsampa ng reklamo ang grupong Hijos del Nazareno laban sa kanya dahil sa nasabing performance, na tinawag nilang “pag-atake sa pananampalataya.” Naaresto si Luka noong Oktubre 2023 at idineklarang persona non grata sa ilang mga lungsod sa bansa.
Magugunita ring nagkaroon pa ng fundraising para kay Luka ng mga kapwa nito drag artists at supporters kung saan nakalikom sila ng halos P900,000 para sa kaukulang piyansa at gastusin ni Luka.