-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Muling nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) na magpapatuloy ang paghuli sa mga sangkot sa illegal fishing sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon dahil sa coronavirus.

Apat ang naaresto sa isinagawang seaborne patrol operation sa karagatang sakop ng Brgy. Calayuan, Matnog, Sorsogon, ng pinag-isang puwersa ng kapulisan at Bantay Dagat ng lokal na pamahalaan.

Nabatid na gumamit ng breather tank ang mga suspek na kinabibilangan ng mismong Punong Barangay Ramil Gardon, 37; Richard Garote, 27; Joel Banagbanag, 46 pawang residente ng naturang barangay at Ganny Paulito, 41 na mula pang Brgy. Aguin, Capul, Samar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCapt. Jake Peralta, hepe ng Matnog Municipal Police Station, sinampahan na ng kasong paglabag sa Philippine Fisheries Code of 1998 ang mga ito.

Kabilang naman sa mga nakumpiskar mula sa mga suspek ang ginamit na motorized banca, anim na breather tanks, fishing paraphernalia at iba’t ibang uri ng isdang nahuli ng mga ito.

Ayon pa kay Peralta na hindi tumitigil ang kapulisan sa regular police function upang mahuli ang mga magtatangkang lumabag sa batas sa ilalim ng ECQ.