Binatikos ng Makabayan bloc si Pangulong Rodrigo Duterte matapos nitong punain ang mga frontline health workers matapos hilingin ng mga ito na ibalik sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang buong Metro Manila.
Sa isang joint statement, sinabi ng mga Makabayan bloc solons na ipinapakita lamang ng naging asal ni Pangulong Duterte ng kawalan ng respeto nito para sa mga nagnanais lamang na ipabatid ang kanilang hinaing sa pamahalaan.
“Muli niyang nilantad ang kanyang kawalan ng respeto sa karapatang magpahayag, manawagan, at maningil ng mga mamamayan sa kanyang pamumuno,” saad ng Makabayan bloc.
Malinaw lamang din aniya na walang kakayahan na mamuna sa laban kontra COVID-19 si Pangulong Duterte dahil habang minamasama nito ang pagtindig ng mga medical frontliners ay paulit-ulit din ang pahayag nito na wala nang magagawa ang pamahalaan, magtiis na lamang ang publiko, at umasa sa pagdating ng bakuna.
Noong nakaraang Linggo, sinabi ni Pangulong Duterte na mas mainam kung sumulat na lamang sa kanya ang mga healthcare workers sa halip na gumawa ng isang public statement.
Kasabay nito ay inakusahan niya ang mga healthcare workers nang pagmamaliit sa pamahalaan at umano’y nagsisimula ng isang “rebolusyon”.
Pero ayon sa Makabayan bloc, ang kailangan ngayon ng mga medical healthcare workers mula sa pamahalaan ay medical solutions at hindi kamay na bakal.










