-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Nasa Cloud 9 pa rin. Ganito isinalarawan ni Atty. Elton Jun Veloria ang kanyang nararamdaman sa kanyang pagkapasa sa 2023 Bar Exams.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na hindi pa masyadong nagsi-sink in sa kanya ang naging pagkakabilang nito sa 36.77% passing rate sa pagsusulit para sa pagka-abogado.

Aniya, noong una ay confident pa ito sapagkat naniniwala siyang naging maganda ang performance niya sa eksaminasyon.

Subalit nang inanunsyo umano ng Bar Chair ang passing rate na 36.77% ay dito na ito kinabahan dahil mas mababa ang passing rate sa inasahan nitong porsyento at inisip nitong baka hindi siya makapasa.

Gayunpaman, nang makita nito na kabilang ang kanyang pangalan sa mga nakapasa ay labis na pagkatuwa naman ang kanyang naramdaman at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito makapaniwala sa naging tagumpay nito.

Saad ni Veloria na siya ang unang abogado sa kanilang pamilya at ang realidad na hindi gaanong accessible ang justice system sa bansa at pagnanais na makatulong sa kanyang kamag-anak na isang Person Deprived of Liberty (PDL) ay ilan sa mga nagtulak dito upang pasukin ang abogasya.

Pagbabahagi nito na maihahalintulad nito ang kanyang naging karanasan sa pagdaan sa butas ng karayom dahil sa law school pa lamang ay kailangan nitong balansehin ang kanyang oras sa pag-aaral at pagtatrabaho bilang isang working student.

Mahirap din aniya ang naging karanasan nito pagdating sa pinansyal na aspeto dahil mahal ang mga libro, at araw-araw ay kinakailangan umanong pumasok ng may takot sapagkat sa recitation pa lamang ay mahirap na.

Samantala, sinabi naman nito na kung mabibigyan siya ng pagkakataon ay nais nitong makapasok bilang isang Public Attorney para manilbihan sa mga walang kakayahan na ipagtanggol ang kanilang mga sarili.