Lumalabas na lalo pang lumawak ang girian sa mga miyembro ng political party ni Pangulong Rodrigo Duterte na Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) matapos na kuwestiyunin ni Negros Oriental Rep. Arnie Teves ang pagsasagawa ng national party assembly.
Nangangalahati pa lang ang event ay kinuwestiyon ni Teves, na isang Deputy Speaker ng Kamara, ang pagdaraos ng pagtitipon-tipon ngayong araw dahilan para hilingin nito ang agarang adjournment, subalit hindi naman pinagbigyan.
Habang nagsasalita si PDP-Laban vice-chairman Energy Secretary Alfonso Cusi sa kanyang opening statement, maririnig na nagsasalita sa background si Teves, na dumadalo sa event sa pamamagitan ng video teleconferencing.
Nang kinilala na siya, sinabi ni Teves na makailang ulit na siyang nagtangkang magbigay ng punto subalit pinatayan daw siya ng microphone.
Tinukoy ni Teves ang patakaran ng PDP-Lban kung saan dapat ay idinaan muna ang agenda ng national assembly kay Sen. Manny Pacquiao, na siyang presidente ng partido.
Pero nang mag-mosyon ulit siyang itigil na ang pulong ng partido, mabilis naman itong ibinasura ng mga kapartido niya.
Samantala, iginiit naman ni Eastern Samar Governor Ben Evardono, na tumatayo bilang moderator ng national assembly, na base sa patakaran ng PDP-Laban ay maari namang magpatawag ng national council meeting ang partido.
Sa katunayan, hindi nga aniya national assembly ang kanilang pulong ngayong araw kundi national council meeting lamang sa bisa nang basbas na na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Cusi.
Sinabi naman ni PDP-Laban VP for external affairs Raul Lambino na sa national assembly lamang maaring makapaghalal ng national party officers, kabilang na ang uupo bilang secretary general.
Mababatid na matagal nang walang nakaupo bilang secretary general sa PDP-Laban matapos na magbitiw sa puwesto si dating Speaker Pantaleon Alvarez.