Arestado ang isang pulis dahil sa pagkakasangkot sa tupada o illegal cockfighting sa isinagawang operasyon ng PNP Counter Intelligence Task Force sa Purok 6, Barangay Bayangan, Muntinlupa City.
Nakilala ang suspek na si PO2 Yob Enguio at kasalukuyang naka-assign sa Basilan Police Provincial Office (BPPO).
Bukod sa pulis, arestado rin ang lima pang kasamahan ni PO2 Enguio.
Ayon kay PNP spokesperson C/Supt. Benigno Durana nahuli sa akto si Enguio sa illegal fighting bandang alas-10:00 ng umaga kahapon.
Nakumpiska sa posisyon ng nasabing pulis ang apat na fighting cocks, dalawang gaffing blade at bet money na nagkakahalaga ng P8,600.
Nag-ugat ang operasyon mula sa isang complaint na ipinadala ng isang concerned citizen kaugnay sa Tupada na ginaganap tuwing Linggo sa kanilang lugar na umano’y mina-manage ng isang pulis.
Kasalukuyang nakakulong na sa CITF detention cell ang pulis at nahaharap sa kasong paglabag sa P.D. 455 o batas laban sa illegal cockfighting.
Si Enguio ay dating nakadestino sa NCRPO Regional HQS, RPHAU pero inilipat sa PRO-ARMM dahil sa kaniyang pagkakasangkot sa iligal na droga sa Muntinlupa.
Itinuring si Enguio na level 2 target sa drug matrix ng Pangulong Rodrigo Duterte.