ILOILO CITY – Pormal nang sinibak sa serbisyo si Pol. Col. Enrique Ancheta, dating chief ng Western Visayas Regional Crime Laboratory, dahil sa kasong dishonesty at less grave misconduct.
Inilabas ng National Headquarters ng Philippine National Police (PNP) ang dismissal order kay Ancheta noong Abril 28.
Una nang ni-relieve sa puwesto si Ancheta matapos inilabas ang resulta ng parrafin test ng mga itinuturong rebelde na nanlaban at napatay matapos sinilbihan ng search warrant sa Barangay Roosevelt at Lahug Tapaz, Capiz noong Disyembre 30, 2020.
Sa pahayag ng pulis sa panayam ng Bombo Radyo, pito sa siyam na namatay ay nagnegatibo sa gun powder residue.
Kaagad siyang hiningan ng paliwanag kung bakit nagpaunlak siya ng panayam sa Bombo Radyo.
Ngunit nagda-draft pa lang si Ancheta ng kanyang paliwanag, nakatanggap siya ng order na ililipat siya sa PNP National Headquarters.
Depensa naman ng opisyal, “in good faith” ang kanyang intensyon sa pagpapa-interview sa Bombo Radyo at sinabi lamang nito ang totoong resulta ng kanilang imbestigasyon.
Napag-alaman na naging kontrobersyal ang pagsilbi ng search warrant ng Criminal Investigation and Detection Group at Philippine Army kung saan siyam ang napatay at mahigit 100 ang sumuko sa mga otoridad.