LEGAZPI CITY – Pinawi ni Legazpi City Mayor Noel Rosal ang pangamba ng mga kababayan matapos ang ulat ng Department of Health (DOH)-Bicol sa pagpositibo ng isang uniformed personnel na bumiyahe patungong lungsod.
Nilinaw ng alkalde sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na taliwas sa ulat ng DOH-Bicol, hindi ito mula sa lungsod kundi taga-Tondo, Maynila na na-reassign sa Albay pero may travel history sa Quezon City at Mindanao.
Nakausap na rin umano ni Rosal si Police Regional Office 5 Regional Director PB/Gen. Anthony Alcañeses kung saan tiniyak nitong naka-quarantine na rin ang 41-anyos na pulis maging ang 27 pang kasama nitong bumiyahe.
Nabatid na Hunyo 4 pa nang makaramdam ng mga sintomas ang pulis habang Hunyo 7 nang dumating sa Albay kaya isinailalim sa swab test.
Hindi naman maiwasan ni Rosal na magpahayag ng pagkadismaya sa nangyari partikular na sa kawalan ng kabatiran sa prosesong sinusunod ng mga itinatalaga sa lungsod.
Giit pa nitong kontra rin sa patuloy na galaw ng mga tao na walang proper clearance sa gitna ng Coronavirus Diseas 2019 (COVID-19) pandemic.
Ang naturang pulis ang ika-89 kaso ng COVID-19 positive sa Bicol.










