CAGAYAN DE ORO CITY – Naisampa na ang kasong paglabag ng Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa aktibong police corporal at barangay worker na kapwa naaresto ng Regional Drugs Enforcement Unit 10 ng Police Regional Office 10 sa piskalya ng Cagayan de Oro City.
Kasunod ito sa isinagawang joint anti-illegal drug buy bust operation ng RDEU 10 kasama ang ilang special unit operatives ng Cagayan de Oro City Police Office dahilan nahuli si Police Cpl Dave Nieves,32,may asawa at sibilyan na si Jasper Laniosa,25 na kapwa residente nitong lungsod.
Sinabi sa Bombo Radyo ni PRO 10 spokesperson Police Major Joann Navarro na target ng tropa arestuhin si Yuriel Merto Roa sa bahay nito sa Mahoganny Street,Barangay Carmen subalit sina Nieves at Laniosa ang tumambad na aktong humihithit pa ng suspected shabu.
Bagamat nakatakas si Roa subalit hindi na nagulat ang COCPO sa pagkahuli kay Nieves sapagkat dati na itong nag-positibo ng ilegal na droga noong mayroong isinagawa na random anti-drug test taong 2023.
Maliban sa kasong kriminal,kaharapin din ng police corporal ang aspetong administrative complaint ng PNP dahil sa kinasangkutan na kabulastugan kung saan nakunan ng ilang sachets na mayroong pinaghinalaang shabu at ibang illegal drug paraphernalia.