LEGAZPI CITY – Nahulog ang isang pampasaherong jeep sa kanal sa nangyaring aksidente sa Purok 5, Brgy. Tagaytay, Camalig, Albay.
Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver nito na si Ronil Gallinera, 49-anyos na residente ng Alegre St. Balogo, Sorsogon City.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi News Team, binabaybay ng jeep ang kalsada sa Brgy. Baligang ng nasabing bayan mula sa Juban, Sorsogon at patungo sana sa Poblacion ng Camalig habang lulan ang nasa 24 pasahero.
Subalit pagdating sa pinangyarihan ng aksidente, nawalan ng kontrol ang driver hanggang sa magtuloy-tuloy at mahulog sa kanal.
Agad namang rumesponde ang mga otoridad at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Camalig upang dalhin sa ospital ang mga nasugatan.
Sa kasalukuyan, inaalam pa ang pananagutan ng driver sa insidente habang patuloy pang nagpapagaling sa mga tinamong sugat ang mga pasahero.