Wala pang hawak na guidelines o protocol kung papaano nila ipatupad ang community quarantine o lockdown sa Metro Manila.
Hinihintay pa ng PNP ang ilalabas na guidelines ng DOTR, DTI at DOLE hinggil dito.
Ayon kay PNP acting spokesperson at Director For Police Community Relations Maj. Gen. Benigno Durana marami pang dapat linawin kung paano ang implementasyon ng community quarantine.
Ang PNP at AFP ay tutulong lamang sa mga llocal government officials at reresponde sa anumang pangangailangan .
Hindi pa batid ng PNP kung paano ang restriction sa biyahe ng mga pampublikong sasakyan.
Karamihan naman sa mga manggagawa sa Metro Manila ay umuuwi sa mga karatig probinsya gaya ng Bulacan, Rizal, Laguna, Cavite at iba pa.
Umaasa si Durana na simula sa araw na ito hanggang Linggo ay mapaplantsa na ang guidelines o protocol hinggil sa implementasyon ng community quarantine.
Samantala, pinawi ni Durana ang pag-aalala ng mga mamayan sa kanilang “freedom of movement” sa ipinatupad ng Pangulo na “Community Quarantine” sa Metro Manila.
Aniya, Kakampi ng PNP ang mga mamayan sa pagpapatupad ng naturang hakbang.
Binigyang diin ni Durana na walang dapat ipangamba ang publiko dahil ang interes ng PNP ay ang kaligtasan ng bawat mamayan na apektado ng naturang hakbang.
Nilinaw din ng Pangulo na ang implemenstasyon ng community quarantine ay hindi martial law.
Sa pakikipag-ugnayan naman ng Bombo Radyo kay PNP Directorate For Operations Maj. Gen Emmanuel Licup, sinabi nito hinihintay nila ang isusumiteng guidelines mula sa DOTR, DTI at DOLE para sa implementasyon ng community quarantine.
Samantala, tiniyak naman ni AFP Chief of Staff Gen. Felimon Santos na suportado nila ang PNP lalo na sa manpower.
Nilinaw ni Santos na ang PNP ang mangunguna sa mga checkpoints.
Ngayong araw iaaanunsiyo ng IATF ang final guidance para sa ipapatupad na lockdown.
Siniguro naman ni Philippine Army commanding general, Lt. Gen. Gilbert Gapay nakahanda silang i-mobilized ang lahat ng kanilang mga kagamitan at resources bilang suporta sa PNP sa pagpapatupad ng lockdown sa buong Metro Manila.