Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang publiko na sundin ang minimum health protocols kapag dumalo sa mga isasagawang campaign events.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, kabilang na rito ang pagsusuot ng face masks at face shields sa kasagsagan ng kampanyahan para maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Jimenez na dapat ang mga supporters at kandidato ang manguna sa pagsunod sa minimum health protocols lalong-lao na sa “high-risk environments” gaya ng “campaign events.”
Una rito, sinabi ni Jimenez na kailangan pa ring magsuot ng face shields kapag dadating na ang araw ng halalan.
Sa ngayon, patuloy daw ang pagkonsulta ng Comelec sa Department of Health (DoH) kaugnay ng face shield policy para sa May 9, 2022 elections.
Una na ring sinabi ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na hindi na kailangang magsuot ng face shields at optional na lamang ito sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Levels 3, 2 at 1.
Hindi naman daw gagawing requirement sa pagboto ang pagprisinta ng RT-PCR tests results at vaccination cards.
Ang official campaign period para naman sa Halalan sa Mayo ay nagsimula na kahapon.