-- Advertisements --

Hinimok ng Environmental Management Bureau (EMB) ang publiko na pahalagahan at pangalagaan ang tubig bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Water Day bukas, Marso 22.

Inihayag ni Kay Espinosa, OIC Chief ng Ambient Monitoring and Technical Services Section ng EMB, mahalaga ang malinis na tubig at sanitasyon hindi lamang sa kasalukuyan kundi para rin sa susunod na henerasyon.

Sa pagtatanong ng Star Fm Cebu kay Espinosa, binigyang-diin niya na dapat magsimula sa tahanan ang pangangalaga sa tubig sa pamamagitan ng simpleng hakbang tulad ng “reduce, reuse, at recycle.”

Hinikayat din niya ang mga barangay at lokal na pamahalaan na magpatupad ng mga programang magpoprotekta sa mga anyong-tubig at magplano para sa pangmatagalang epekto nito sa kapaligiran.

“Water bodies and our plans should always envision our future generation. nga kada lihok natu, it will affect not only us but also the next generation,” saad nito.

Dagdag nito, mahalagang maging huwaran ang mga pamilya upang mahikayat ang kabataan, at gamitin din ang social media sa pagpapalaganap ng mga adbokasiya sa water conservation.

“I believe kung for water conservation efforts, it has to be something internalized in the household level. Ang youth karon, grabe naman kaayo ang social media,very active and all. pero lahi ra gyud nga sa atuang panimalay, makita nila nga gipractice ni siya sa household. So it goes together,” dagdag pa nito.

Iginiit pa niya na ang pangangalaga sa tubig ay isang responsibilidad na dapat sama-samang gampanan ng bawat isa – mula sa tahanan hanggang sa komunidad.