-- Advertisements --

Handa na ang iba’t ibang public transport services sa Metro Manila sa muling pagbiyahe sa oras na luwagan na ulit ang quarantine sa National Capital Region (NCR).

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, nagpahayag ng kahandaan ang mga opisyal mula sa air, land, at maritime transport sectors sa muling pagbabalik ng kanilang operasyon sa oras na maibalik na ang Metro Manila sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) status.

Sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Steve Pastor na 4,600 units ng bus ang authorized sa Metro Manila.

Subalit, sa naturang bilang, tanging 3,662 ang nakakuha ng special permits habang ang nalalabi ay sumasailalim pa sa checking ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung sila ay compliant sa mga requirements.

Tiniyak din ni LTFRB chairman Martin Delgra na marami pang mga public utility jeepneys (PUJs) ang papayagan na makabiyahe sa oras na maibalik na sa GCQ ang Metro Manila.

Sinabi naman ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Jim Sydiongco na bagamat may mga restrictions pa ring ipinapatupad sa mga pasahero, nananatili namang operational ang lahat ng mga paliparan sa bansa.

Ayon kay Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal, handang-handa na rin ang ahensya para sa posibilidad na luwagan na ulit ang quarantine measures.


Ganito rin ang sitwasyon ng mga pantalan sa bansa kahit pa isinailalim sa modified enhanced community quarantine kamakailan, ayon kay Philippine Ports Authority General Manager Jay Santiago.

Pagdating naman sa railway sector, sinabi ni Ces Lauta ng Philippine National Railway na handa na rin silang magbalik sa kanilang operasyon.

Nakapagsagawa na rin aniya sila ng mga maintenance works sa mga tren at riles nang pansamantalang sinuspinde ulit ang public transport kamakailan.