-- Advertisements --

Maaring gamiting ebidensya sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) ang mga public statements ng mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas, kabilang na iyong mga ginawa sa social media.

Sinabi ito ni retired ICC judge Raul Pangalangan isang linggo matapos na magdesisyon ang Pre Trial Chamber ng ICC noong nakaraang linggo na payagan ang mga ICC prosecutors na magsagawa ng imbestigasyon sa drug war ng Duterte administration sa posibleng crimes against humanity.

Ayon kay Pangalangan ang mga public statements ng mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas ay maaring gamitin para ma-establish ang mode of liability para matukoy din kung sino ang mga direct at indirect perpetrators sa isang krimen.

Magugunita na ilang kritiko at human rights groups ang sinsisisi ang rhetoric ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa suportang ibinibigay nito sa mga pulis sa naitala namang mataas na death toll sa kanyang war on drugs.

Nauna nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na mas nais daw ni Pangulong Rodrigo Duterte na mamatay na lamang kaysa humarap sa ICC.