Suportado ng Presidential Task Force on Media Security at mga internatioal media groups ang panawagan ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Supreme Court (SC) na iutos ang muling pag-aresto kay dating dating Palawan Gov. Mario Joel Reyes at ituloy ang pagdinig sa kasong pagpatay sa environmentalist at broadcaster na si Dr. Gerry Ortega.
Sinabi ni Undersecretary Joel M. Sy Egco, hindi maaring hindi kumilos ang task force hanggat hindi nakukulong at napapanagot sa batas ang mga pumatay kay Ortega na isang dekada na ang lumipas.
Naniniwala si Egco na malakas ang mga ebidensya laban kay Reyes.
“The Presidential Task Force shares the sentiments of the OSG in its motion to lift the TRO which is preventing the re-arrest of the former governor. We believe that the evidence of guilt is strong in the criminal case filed against Reyes in connection with the slaying of Gerry Ortega,” ani Egco sa isang kalatas.
Si Ortega ay binaril noong January 24, 2011 sa Puerto Princesa City matapos ang kaniyang programa sa radyo.
Sinabi naman ng abogado at environmental policy expert na si Dean Tony La Viña na bukod sa nakabinbin na kasong murder, kailangan din malinawan na ang status ng isa pang kaso ni Reyes na graft and corruption kung saan isa sa ipinataw na parusa kay Reyes ay ang pagbabawal nang tumakbo sa anumang posisyon sa pamahalaan.
“In both cases, no final decision of the SC has been issued. We expect that justice will be done once the process is completed,” wika ni La Viña.
Maging ang International journalist group na Safer World for the Truth ay sang-ayon sa kahilingan na muling ipaaresto at ikulong si Reyes.
Nababahala ang naturang grupo dahil mistulang naliligtas sa parusa si Reyes sa kabila umano ng malakas na ebidensya laban sa kaniya.