Hindi pa lusot sa pagkakasuspinde sa kanyang bagong puwesto bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 12 si P/Supt. Marvin Marcos.
Ayon kay PNP chief police director Gen. Ronald Dela Rosa, ito ay sa sandaling mapagdesisyunan nila ang motion for reconsideration na inihain ni Marcos kaugnay ng kanyang kasong administratibo dahil sa pagkamatay ni Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Kahapon, naupo na bilang CIDG chief sa Region 12 si Marcos.
Una nang inihayag ni Dela Rosa na hindi pa naipatutupad ang four month suspension na ipinataw kay Marcos dahil sa inihain nitong motion for reconsideration.
Tiniyak nito na kung ibasura ng PNP-Directorate for Personel and Records Management ang motion for reconsideration ni Marcos sa inirekomendang suspensyon ng PNP-Internal Affairs Service na inaprubahan ng PNP chief, agad itong ipapatupad.
Pero maaari rin aniyang ipagpaliban ang suspension kay Marcos kung maging paborable ang desisyon ng DPRM sa motion for reconsideration ng grupo ni Marcos.